Bahay ni Rizal

Daddy: Saan ka pupunta?

Ako: Titingin ako ng boots, Ddy.

Daddy: Madami dyan kay Medson a.

Ako: Meron kay Medson?!

Daddy: Oo naman! Yung mga pangmajorette.

Waaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!!!!!!!!!!

At habang paulit-ulit kong naalala ang usapang ito habang nakasakay ako sa tricycle kanina papuntang Crossing, pumasok sa isip ko bigla ang kwentuhan namin ng isang matalik kong kaibigan na tubong Calamba din. Oo, ikaw ito, Oli.

May isang pagkakataon na inalala naming ang mga bagay-bagay na magpapatunay kung totoong taga-Calamba ka talaga.

Hindi ko inaangkin na unibersal sa mga taga-Calamba ang mga nakalista dito. Marami o halos lahat ay bunga at impluwensya ng aking mga magulang at kamag-anak. Ito ang mga paulit-ulit na naririnig ko sa kanila noong ako’y lumalaki. Maaaring tama, maaaring hindi. Maaaring sobra, maaaring kulang.Pero isa lang ang totoo. Ito ang aking kabataan at ito ang buhay na patunay na bago pa magsulputan ang SM, Waltermart, Yellow Cab, Globe Master, Wilcon at kung anu-ano pang pangkomersyo at pangkabuhayan showcase, bago pa nagkaroon ng bagong pinagkakaabalahan ang mga tao ngayon, ganito nabuhay ang mga taga-Calamba noon (at maaring hanggang ngayon).

Totoong taga Calamba ka kung:

  1. Alam mo kung saan ang JOSAM. Variety na ata ang pangalan niya ngayon pero alam mo na kapag masarap na pandesal at kung anu-ano pang tinapay ang gusto mo, dito mo patitigilin ng saglit ang tricycle para makabili ka ng isang balot ng slice.
  2. Kilala mo si Yayang. Dito ka kakain kapag nagutom ka bigla habang namamalengke sa lumang palengke. Dito ka bibili ng masarap na arroz caldo, sotanghon (tuyo at may sabaw) at kung anu-ano pa. Dito ka din kakain ng tanghalian habang nakaupo sa mga silyang nakapaligid sa tindahan nila.
  3. Alam mo kung saan ang Pansitan at Halu-haluan. Pag sumakay ka ng tricycle at sinabi mong doon sa Halu-haluan sa Aplaya, siguradong hindi ka mawawala.
  4. Kapag gusto mong mag ice cream, bibili ka sa Magnolia.
  5. Kapag may birthday celebration o kung ano mang okasyson, sa Rubal at Ding Hao kayo pupunta.
  6. Kung gusto mo ng medyo malapit, sa Jingber pwede din.
  7. Alam mo din dapat yung isawan sa Lecheria (o Halang na ba yun?).
  8. Maghihintay ka ng medyo matagal kung gusto mong panoorin ang pelikulang inaabangan mo. Sikat ang Sine Calamba pero pwede din sa Sine Linda at Sine Makiling. Tapos dumating din ang Jeffrey and Jennifer. Hindi pa uso ang tarpaulin noon kaya lahat ng paskil ng palabas na pelikula bonggang-bongga ang pagkaguhit. Lalaitin ang drawing kapag hindi kamukha ni Jestoni Alarcon o Ian Veneracion ang drawing ni Koya.
  9. Kapag may project ka, bibili ka ng materials kay Bayani. Doon din kami bumibili ng headband at mga pangregalo kapag may exchange gift sa school.  Pwede din sa Maya Bookstore.
  10. Kapag may kasalan, doon ka bibili ng mga babasaging punch bowl sa likod (o gilid ba yun?) ng palengke. Hilera ang nagtitinda ng mga baso at plato.
  11. Ang damit naman pwede sa palengke, pwede sa Trade o kaya naman sa Sterling. Ang Sterling na ata ang konsepto natin ng mall noon.
  12. Ang sapatos naman siyempre sa Footstep. Dumating din ang Jenson noon pero parang maspanalo pa din ang Footstep. Pero kung gusto mo yung medyo mura, may tindahan din ng sapatos doon sa loob ng lumang palengke.
  13. Ang tindahan ng cassette tape nabibili sa likod ng L.I.
  14. Pag gusto mo ng merienda, pwede kang bumili sa Minute Burger. Buy one Take One minsan.
  15. O kaya, kung gusto mo lasang Pinoy, bibili ka ng Okoy at Adobong Mais doon malapit sa may munisipyo.
  16. Magbayad ka na din sa Meralco kasi malapit na yun don.
  17. At bumili ka na din ng Shellane o Gasul kasi malapit na din yung tindahan don.
  18. Kapag nagkasakit ka, ito ang mga sikat na doktor na pwede mong bisitahin. Si Rubio, Pua at Elazigue. Kapag sumakit ang ngipin mo, dayuhin mo na din si Pacita. Nakalimutan ko! Si Syqui nga pala! Kilala mo?
  19. Kilala mo dapat si Flor Gallardo. Doon palaging nagpapakulot ang lola ko. Nagmamake up din sa kasal yun.
  20. Sa tapat naman ni Flor si Emil Buencamino. Sosyal ang glamour shot kapag sa kanya ka nagpakuha. At ang glamor shot na ito ay ipapamigay mo sa mga kaibigan mo na may kasama pang dedication sa likod.
  21. Kapag kailangan mo ng yero, pako, door knob at kung anu-ano pang pang construction, meron lahat niyan kay Columbia. O kaya kay Intsik. Kilala mo si Instik?
  22. Pag grocery naman, kay Intsik din (iba to don sa Intsik na nagtitinda ng hardware). Ang tanda ko noon, ililista mo sa paktura na gawa sa kahon ng sigarilyo yung lahat ng kailagan mo tapos ikakahon na nila yun para sa yo at ihahatid ka pa ng mga trabahador nila sa sakayan ng tricycle. Tingin ko nga mas simple ang buhay noon kasi hindi ka bibili ng hindi mo kailangan. Yun lang talagang nakalagay sa paktura. Tapos pag tinotal nila, hihingi ka pa ng tawad.
  23. Feeling ko ang unang konsepto ng paggogrocery ng may cart ng mga taga Calamba ay sa Delmart. Ewan ko din lang ha. Yun lang ang natatandaan ko.
  24. Kapag nasira ang sapatos mo, ipapadikit o ipapatahi mo yan kay Medson. Kapag magpapapalit ka ng zipper dito din yun.
  25. Kapag magpapatahi o magrerenta ka ng gown, doon ka pupunta sa Jaymie’s Fashion. Meron pang isa e. Doon sa may San Jose. Nakalimutan ko lang yung pangalan.
  26. Kapag gusto mong mag-aral ng piano o gitara o kung anu-ano pang summer classes, mag eenroll ka kay Agapay.
  27. Pupunta ka sa Riverview para mag-aral ng swimming. Dati Milo ang nagpapaklase don. Ngayon si Bert Lozada na.
  28. Magbowling ka na din sa Riverview. May duck-pin bowling don.
  29. Alam mo yung Wimcee? Doon naglalaro ng video games ang mga poging bata noon.
  30. Kapag kailangan mo ng 1×1 o 2×2 photo, pumunta ka sa Plaza. Mamili ka sa mga photographer na nandoon. Maghihintay ka lang ng mga ilang araw bago madevelop yung picture mo pero ayos lang. Idedeliver naman nila sa bahay niyo yun. Basta ang paborito naming photographer non ay si Mang Boy. Siya din ang kumukuha ng pictures naming pag Acquaintance Party, Halloween Party, Christmas Party at graduation. Kapag suki ka na nila, hindi ka na nila lalagyan ng ribbon sa damit mo para matandaan nila na kailangan kang kuhanan. Alam na nila yun.
  31. E alam mo yung Agfa? Dapat alam mo kung saan yun.
  32. Kapag wala kang magawa, aakyat ka sa Banga sa Plaza at iikutin ng pang isang milyong beses ang bahay ni Rizal. Pero nakapasok lang ako sa bahay ni Rizal nong Grade 4 ako. Pero hindi mahilig pumunta sa bayan ang mga kabataan noon na taga Barangay. Ang mahal kaya ng pamasahe. Php1.50 ata.
  33. Kapag gusto mong magpaphotocopy, sa may LI ka pupunta. Sigurado yun.
  34. Ewan ko lang pero tanda ko to, yung Nicos sa Paciano. Bumibili kami don ng chichirya kapag uuwi kami sa mga lola ko sa Cavite.
  35. Kapag kailangan mong tumawag, pupunta ka sa PLDT at pipila. Alam mo kung saan ang PLDT dati? Clue. Starts with a letter T.
  36. Kapag bibili ka ng mga appliances, pupunta ka sa Royal.
  37. Kapag bibili ka naman ng mga gamit sa bahay, doon ka mamimili sa 650. Dalawa yan. Yung isa sa harap ng Central 1, yung isa sa may San Jose. Dapat nabalitaan mo nong nasunog ang 650. Nakiusyoso ka dapat.
  38. Nong bata ako konti pa lang ang school. Pag pre-school sikat ang Child Garden. Pag elementary hanggang high school at gusto mong mag-aral sa bayan mamimili ka sa Central 1, Central 2, L.I., Saint John, Canossa at Letran. Pag college, dalawa lang yan, L.I o kaya Letran.
  39. Ang mga lugar na hindi mo balak puntahan, Senerez at Nomer Lim De Mesa. Tama?
  40. Dagdagan mo naman. Nakalimutan ko na yung iba e.

Sentro ang bayan ng lahat noon. Pero sa tingin ko, mula noong nasunog ang palengke at nagtayo ng Jollibee sa Crossing, nagsimulang magbago ang Calamba. Ang lahat ng mga suki natin sa pamilihan, nagbago. Nagulo.

Tandang-tanda ko noong opening ng Jollibee. May malaking inflatable Jollibee sa bubong nila. Binalak naming kumain nina Daddy noon pero sobrang haba ng pila. Feeling ko Jollibee ang naging simula ng pagbongga ng Crossing. Hindi na matawaran ang pagsulpot ng kung anu-anong kainan at commercial buildings pagkatapos noon. Nagka Shakeys, Andoks, Chowking, KFC, McDo, Waltermart at kung anu-ano pa.

Calamba never turned back. Chos!

Pero kahit ano pa mang pagbabago ang mangyari sa bayan na aking kinalakihan, hinding hindi ko makakalimutan na minsan, bago dumating ang sangkatutak at iba’t ibang uri ng komersyalisyon dito, ang simple lang ng buhay. Halos lahat magkakakilala. Nakakamiss.

Pero siyempre, no choice, move on na tayo.

Advertisements